Buwan ng Wika, binuksan na sa PAREF Springdale

August 25, 2023 | Information Office

Pinangunahan ng Departamento ng Filipino ang makulay na pagbubukas ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa School Quadrangle noong Agosto 22, 2023.

Nagtipon ang mga mag-aaral upang pormal na buksan ang selebrasyon ng Buwan ng Wika sa taong ito. Kapansin-pansin ang mga makukulay na palamuti na siyang lalong nagpasigla sa paaralan.

Bilang pangganyak na gawain, nagkaroon ng isang laro na tinawag na “Salitao” na nilahukan ng piling mga mag-aaral mula sa ibat ibang antas. Sinagot ng mga mag-aaral ang mga katanungan ng tagapagdaloy ng programa sa pamamagitan ng pagbuo sa sagot gamit ang kanilang mga nakabinbing titik. Ang mga nakalikom ng maraming puntos ang siyang nanalo sa palaro.

Wika bilang medyum ng pambansang pagkakaisa
Ang tema para sa taunang pagdiriwang, “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.”

Layunin ng tema na pagbuklud-buklorin ang mga rehiyon na may ibat ibang wika sa tulong ng isang wikang pambansa. Isinasaalang-alang nito ang pagpapahayag sa damdamin ng bawat isa na katanggap-tanggap sa ating lipunan.

Kinilala ng Komisyon ng Wikang Filipino, ang ahensya na nangangalaga at nangangasiwa sa ibat ibang wika sa ating bansa, ang pagiging “linguistically diversed” na siyang indikasyon ng pagkakaroon ng masiglang “linguistic ecosystem” ng Pilipinas. Nakamamangha kung paano napanatiling buháy at matatag ng ibát ibáng pangkat etniko sa bansa ang kani-kanilang ugnayang kultural pagkatapos dumaan ang ibat ibang mananakop sa ating bansa.

Hinikayat ni G. Edgar Allan Jabone, ang Punong-guro ng ating paaralan, na makilahok ang mga mag-aaral sa ibat ibang gawain na naglalayong palaganapin ang kaalaman at kahalagahan ng ating wika.

“Sa bawat pagsasalita ng ating wika, tayo’y nagiging bahagi ng isang malalim na tradisyon na nag-uugnay sa atin sa ating mga kababayan at nagpapalakas sa ating pagkakaisa,” aniya.

Mga Kaganapan at Patimpalak sa Buwan ng Wika

Inanunsyo rin sa programa ang ibat ibang gawain at patimpalak na lalahukan ng mga mag-aaral.

Lalahukan ng mga mag-aaral mula sa ibat ibang antas ang mga patimpalak na gaganapin mula Agosto 22 hanggang Agosto 31 ng taong ito.

Ilan sa mga patimpalak na inihanda ay ang Poster-Making Contest, Tagisan ng Talino, Kasuotang Pinoy, Larong Pinoy, Sayawit, at Pistang Bayan.

Inaasahan sa mga mag-aaral na makakagawa ng isang poster na nagpapakita ng ugnayan ng bawat pangkat na magka-iba ang wikang ginagamit ngunit nagkakaunawaan sa tulong ng iisang wika. Gaganapin ang Poster-Making Contest ngayong Agosto 24.

Sa Tagisan ng Talino na gaganapin ngayong Agosto 25, masusubok ang mga mag-aaral sa talas ng kanilang memorya sa kanilang mga natutunan sa nagdaang mga taon hinggil sa usaping pangwika at ang kasaysayan nito.

Isa sa inaabangan ng nakararami tuwing sasapit ang Buwan ng Wika ay ang patimpalak sa Larong Pinoy. Pinapakita nito ang buhay na kultura ng mga Pilipino batay sa ibat ibang laro. Magsisilbi ang patimpalak na ito na unang kompetisyon sa pagitan ng dalawang pangkat, ang Anchor House at Vinta House. Mangyayari ito ngayong darating na Agosto 29.

Ang pagkakakilanlan ng isang Pilipino ay nakikita rin sa kanyang kasuotan. Sa paniniwalang ito, magkakaroon ng patimpalak sa Kasuotang Pinoy ang mga mag-aaral sa darating na Agosto 30.

Lahat ng antas ay maghahanda ng isang pagtatanghal sa anyong SayAwit na ginagamitan ng mga musikang Pinoy. Dito nasusubok ang pagkamalikhain ng bawat mag-aaral sa kung papaano nila bubuuin ang presentasyon. Ito ay gaganapin sa darating na Agosto 31 bilang isa sa mga panapos na gawain.

Pagkatapos ng mga patimpalak, isang salu-salo ang ihahanda ng bawat baitang na siyang magiging hudyat sa pagtatapos ng Buwan ng Wika.

Sa tulong ng mga patimpalak na ito, mahuhubog ang mga angking talento at talino ng mga mag-aaral.